Tila labanan ng mga kabataan na nais maging milyonaryo. Dalawumpung milyong pisong gantimpala mula sa Artista Academy (ABC5) at labing-dalawang milyong piso naman mula sa Protege: The Battle For the Big Artista Break. Kung sino man ang manalo, tiyak wagi din ang kani-kaniyang tagapamahala (talent manager). Sa 40%, walong milyon din ito na maaaring mapunta sa talent manager.
Kung buwis ang pag-uusapan, nararapat lang na magbayad din ang tagapamahala ng karampatang buwis. Sa kabilang banda, ang isang gantimpala mula sa patimpalak ay hindi maaaring ituring na professional fee na kung saan ang tseke ay kailangang ipangalan sa talent manager. Kung ang tagapamahala ay hihingi ng balato, halimbawa 40%, nararapat lang na karkulahin ito matapos ibawas ang buwis. Gayunpaman, hindi pa rin ito matuwid sa kadahilanang binalikat nang buo ng nanalo ang karampatang buwis. Halimbawa, sa 10 milyon na gantimpala, kung ang buwis ay 20%, ang kinaltas na buwis ay 2 milyon. Walong milyon ang ini-uwi ng nanalo. Sa 40% komisyon ng tagapamahala, 3.2M ang kinita niya nang walang buwis. Samantalang ang nanalo ay kumita lamang ng 4.8M at nagbayad pa ng 2M na buwis.
Kaya kayong mga nananalo sa mga paligsahan o patimpalak, isiping maigi kung magkano ang komisyong ibibigay ninyo sa inyong personal na tagapamahala.
Comments
Post a Comment